Ang Pagbabalik Ng May-Akda

6 08 2014

Talaga namang napakatagal ko nang hindi nadadalaw ang kauna-unahang blog kong ito ngunit hindi yun nangangahulugang hindi ko itinuloy ang pagba-blog. Sa totoo lang, tuluy-tuloy akong nag-blog mula noong inulila ko ang site na ito noong Pebrero ng taong 2009. Matapos ko kasi likhain ang blog na ito ay tinulungan ako ng isang anak namin na nasa larangan ng information technology na gumawa ng isang personal blog na siya na ang magho-host para mas may kontrol kami sa magiging hitsura ng aking blog. Nais ko ring idagdag na mula sa sariling pag-aaral ko sa pagba-blog na sinimulan ko dito, hindi lang siguro sampu (10) ang nagawa kong blogs bagama’t tatlo lamang ang pinipilit kong regular na ma-update. Maging pang-apat sana ito na regular kong masulatan ng mga bagong artikulo.

Sa kasalukuyan, bukod sa gagawin kong pagbabalik sa blog na ito, nagsusulat din ako sa aking personal mixed-bag blog na EdZee’s Net Logs na bagamat pangalawa sa mga nilikha kong blogs ay halos kasabay naman nito nagsimula. Nagawa ko itong ma-maintain at sa ngayon ay may 570 artikulo na. Sinimulan ko rin noong nakaraang buwan ang dalawang blogs na nasa WordPress platform din at libreng hino-host ng OpenShift by Red Hat. Isa dito ang UNLEASHED na naglalaman ng aking mga adbokasya, opinyon at ala-ala ng nakaraan sa aking buhay. Ang ikalawa ay ang Blogging 101 For Noobs kung saan nagsusulat ako ng mga artikulo upang makatulong sa mga interesadong mag-umpisang mag-blog. Ang tatlong nabanggit kong blogs ay nasa wikang Ingles at ito lang ang nasa ating wikang Tagalog.

Ano nga ba ang dahilan sa aking pagbabalik sa blog na ito? Hindi naman ako makaluma pero naniniwala ako sa kasabihang . . . “Ang hindi marunong tumingin sa pinanggalingan, hindi makakarating sa paroroonan.” Para sa akin, ang ibig sabihin nito ay dapat mong balikan ang iyong nakaraan para mabatid mo kung gaano na ang iyong iniunlad sa isang larangan. Bukod dito, gusto ko ring gamitin ang theme na gamit ng blog na ito na una sa lahat ng mga nagustuhan at ginagamit ko pang themes. Nawa ay makasama ko kayo lagi sa gagawin kong pagbabalik at pagtutuloy ng blog na ito na noon pa ay binalak ko talagang masulat sa ating sariling wika.    

Advertisements




Matagal na Sunuran ng Pagpapahayag

9 02 2009

Medyo matagal nasundan ang unang lathala dito sa aking blog. Wala naman talagang malubhang dahilan kundi yung tinatawag natin sa ating wika na “tinamaan ng katam”. Bukod dito ay napag-alaman ko sa ilan kong nakausap na medyo mahirap daw mag-lathala ng seryosong blog sa napili kong wika. Siguro nga, kasi kung hindi totoo ang naturang obserbasyon, sana ay mas marami sa mga Pilipinong bloggers ang sumusulat sa Tagalog.

Habang parang nanganganay ang inyong lingkod sa pagpapalawig ng antas ng pakikipagtalastasan sa inyo ay taos sa puso ko ang paghingi ng paumanhin. Talagang matagal ang naging sunuran nitong una at pangalawa kong lathala. Nangangako ako na pagsisikapang kong maging mas malimit ang sunuran ng aking mga blog sa mga darating na araw. Sana ay bigyan naman ninyo ako ng patnubay tungkol sa mga bagay na gusto ninyong matalakay natin dito. Bukas ang inyong lingkod sa anumang panukala na manggagaling sa inyo, mga giliw kong mambabasa.

Hanggang dito na lang muna ang aking blog sa araw na ito na nais kong isara sa pamamagitan ng pagpapasalamat sa inyo. Asahan ninyo na itutuloy natin ang pagtatalastasan tungkol sa anumang topic na nararanasan ng karaniwang mamamayang Pilipino na dumaranas din ng krisis sa kasalukuyan tulad din ng dinaranas na paghihirap ng mag tao sa ibang panig ng daigdig.





Hello World! . . . Anong Magagawa Natin?

14 01 2009

Kumusta na kayo mga kababayan ko sa iba’t-ibang panig ng mundo? Sana ay sumapit kayo sa weblog kong ito na nasa mabuti ang kalusugan at kalagayan sa buhay. Ano nga ba ang ginagawa ng isang tulad kong karaniwang mamamayan sa ganitong aktibidad na mistulang pang-journalist e wala naman akong pagsasanay sa ganitong gawain? Ito na nga ba ang isa sa mga magagandang naidudulot ng internet sa ating buhay sa kasalukuyan na kahit sino, basta magsisikap ay pwedeng magpahayag ng malaya basta huwag lang mananagasa ng ibang tao.

Tayo ay mga Pilipino na tinuruan na mahalin ang ating wika kaya ito ang pinili kong lenggwahe ng blog na ito. Noong inaayos ko ang settings ng blog na ito, Tagalog ang unang pinili ko subalit hindi ko nagustuhan ang mga pagsasalin ng ilang Ingles na salita papunta sa ating wika. Halimbawa, ang “Links” ay isinalin nila sa Tagalog bilang “Mga Kabit” na mas marapat sana kung “Mga Kaugnay” ang naging pagsasalin. Sa ganitong dahilan, ibinalik ko sa English ang setting ng blog at isa-isa kong ine-edit ang mga salitang Ingles na pwedeng mapalitan ng Tagalog. Ito ang dahilan kaya makikita ninyo na halo ang Ingles at Tagalog sa mga labels sa mga parte ng ating blog.

Alam natin na mayaman sa bokabularyo ang ating wika. Ito ang dahilan kung bakit ang mga naunang tumulong sa WordPress na mag-translate ay nagkaroon ng iba’t-ibang panukala. Hanggang ngayon ay patuloy pa rin ang pagsasalin ng wordpress sa Tagalog. Sinubukan ko na rin na tumulong sa pagsasalin pero hindi ko pa lang alam kung paano pinipili ng WordPress ang sa palagay nila ay tamang translation.

Ano nga ba ang ating magagawa sa pagpapalaganap ng ating wika? Marami ng sites na isinasalin sa ating wika. Nandyan ang Google, Friendster, hi5 at iba pa. Wala pang Windows na Tagalog pero ang Linux ay may mga ginagawa na upang maisalin ito sa ating wika. Sa katanungan, may isa akong maisasagot, gamitin nating ang ating wika sa pagsagot sa mga lathalaing tulad ng blog na ito.